-- Advertisements --

Nagsuspinde ng klase ang Bislig City, Surigao del Sur at Cagayan de Oro City dahil sa nararanasang matinding init.

Nabatid na umabot sa 42 degrees Celsius ang heat index sa Bislig City, dahilan upang kanselahin ang klase pagsapit ng tanghali.

Batay sa memorandum order ni Bislig City Mayor Florencio Garay, itinuturing na mapanganib ang ganitong kataas na heat index at maaaring magdulot ng seryosong panganib sa kalusugan ng mga estudyante at school personnel.

Pinayagan namang magpatuloy ang mga klase sa gabi, maliban kung may bagong kautusan mula sa mga awtoridad.

Samantala, inanunsyo ni Garay nitong Miyerkoles ng gabi na suspendido pa rin ang klase sa lahat ng antas, pampubliko at pribadong paaralan, ngayong Huwebes.

Batay sa panibagong memorandum, maaaring umabot sa 43 hanggang 45 degrees Celsius ang heat index sa lungsod.

Hinikayat ang mga paaralan na gumamit ng alternative learning modalities upang maipagpatuloy ang pag-aaral ng mga estudyante.

Naglabas din ang lokal na pamahalaan ng mga paalala sa publiko upang makaiwas sa mga panganib na dulot ng matinding init.

Samantala, nag-anunsyo rin ang Cagayan de Oro City Information Office na suspendido ang klase sa mga paaralan ngayong Huwebes at Biyernes, Agosto 13 at 14, dahil sa matinding init ng panahon.

Ang desisyon naman sa pagsususpinde ng klase sa private preschools hanggang high school, gayundin sa mga higher education institutions, ay ipinauubaya sa kanilang mga school administrator at principal.