-- Advertisements --

Nakaranas ng matinding alinsangan ang ilang bahagi ng bansa matapos umabot sa danger level ang heat index ngayong araw, Abril 6, 2026.

Batay sa pinakahuling forecast at opisyal na datos mula sa State Weather Bureau , nanguna ang Dumangas, Iloilo at Catarman, Northern Samar na nakapagtala ng pinakamataas na heat index na umabot sa 42°C.

Pasok ang naturang antas sa danger category ng ahensya, na sumasaklaw sa temperaturang 42°C hanggang 51°C.

Sa ilalim ng kategoryang ito, nagbabala ang state weather bureau na mataas ang posibilidad ng heat cramps, heat exhaustion, at heat stroke sa patuloy na pagkakababad sa araw.

Samantala, walong iba pang lugar ang nasa ilalim ng extreme caution category na may temperaturang 33°C hanggang 41°C.

Naitala ang 41°C na heat index sa CBSUA-Pili, Camarines Sur at Guiuan, Eastern Samar.

Pumalo naman sa 40°C ang naramdamang alinsangan sa anim na lokasyon, kabilang ang Dagupan City, Pangasinan; Aparri at Tuguegarao City sa Cagayan; Sangley Point, Cavite; San Jose, Occidental Mindoro; at Cuyo, Palawan.

Ayon sa ahensya, patuloy ang kanilang abiso sa publiko, partikular sa mga lugar na pasok sa danger at extreme caution levels, na manatiling hydrated at iwasan ang matagal na paglabas ng bahay tuwing kasagsagan ng sikat ng araw upang makaiwas sa anumang kumplikasyon sa kalusugan.