Tiniyak ni Agriculture Secretary Francisco Tiu-Laurel Jr. sa publiko na ang National Food Authority (NFA) ay mayroon pa ring sapat na dami ng bigas sa kanilang mga bodega upang suportahan ang patuloy na paglawak ng Benteng Bigas Program sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Ang pagtitiyak na ito ay kasunod ng paglulunsad ng programa ng murang bigas na partikular na nakalaan para sa sektor ng transportasyon, na isinagawa ngayong araw.
Layunin ng programang ito na matulungan ang mga tsuper at operator sa sektor ng transportasyon sa pamamagitan ng pagbibigay ng abot-kayang bigas.
Ayon kay Secretary Tiu-Laurel, ang mga warehouse ng NFA ay mayroon pang malaking imbakan ng bigas, kaya’t tuloy-tuloy ang paglalabas ng mga stock upang magbigay daan para sa mga palay na bibilhin mula sa ating mga lokal na magsasaka.
Ang target ng Department of Agriculture (DA) ay makapagbenta ng humigit-kumulang isang tonelada ng bigas araw-araw sa ilalim ng Benteng Bigas Program.
Plano rin ng kagawaran na palawakin pa ang programang ito upang makapagbenta ng tatlong tonelada ng bigas kada araw pagsapit ng buwan ng Disyembre.
Dagdag pa rito, inihayag din ni Secretary Tiu-Laurel na ang mga driver ng bus at taxi ay susunod na makakatanggap ng benepisyo mula sa Benteng Bigas Program sa buwan ng Oktubre.
Kasabay ng mga nabanggit, pinag-aaralan na rin ng Department of Agriculture ang posibilidad na palawakin pa ang programa upang masakop din ang mga guro, sa pakikipagtulungan sa Department of Education (DepEd).