KORONADAL CITY – Nakaburol na ngayon sa kanilang tahanan ang mag-asawang nasawi dahil sa pananaksak ng mismong mister sa misis nito na kalaunan ay nagpakamatay din sa bayan ng Norala, South Cotabato.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Mayor Clemente Fedoc, sinabi nito na nakababahala na sa ngayon ang mental health ng isang tao kapag-napabayaan dahil humahantong sa mga hindi magandang resulta gaya ng pagpapakamatay at pagpatay ng mismong asawa.
Ito ay makaraang binawian ng buhay ang biktimang si Ginang Espesor matapos na pagsasaksakin ng kanyang mister sa loob mismo ng kanilang tahanan sa Barangay Kooe, Jaena, Norala, South Cotabato.
Sa panayam pa ng Bombo Radyo kay Kristel, emosyonal nitong ibinahagi ang nangyari sa kanyang mga magulang.
Gumamit daw ng kutsilyo ang suspek na si Ginoong Espesor sa pagpatay sa kanyang asawa at ‘yun din ang ginamit sa pagsaksak sa kanyang sarili.
Naisugod pa sa Norala Disctrict Hospital ang kanyang ama hanggang inilipat sa South Cotabato Provincial Hospital ngunit binawian din ng buhay.
Depression umano ang nakikita niyang dahilan kung bakit ginawa ng kanyang ama ang pananaksak sa kanyang ina at nagpakamatay sa huli.
Bago pa man ang pangyayari, madalas na umanong sabihin ng kanyang ama na wala na itong silbi dahil sa may sakit itong prostate at hypertension at dalawang araw na rin na halos hindi nagsasalita.
Sa ngayon, nananawagan si Mayor Fedoc sa mga residente sa kanilang lugar na huwag balewalain ang depression upang maiwasan na maulit ang pangyayari.
Naulila naman ng mag-asawa ang nag-iisang anak ng mga ito.