-- Advertisements --

Determinado ang Kamara na ilaban pagdating ng bicameral (bicam) conference committee na madagdagan pa ang pondo para sa polio vaccination sa susunod na taon sa ilalim ng General Appropriations Bill (GAB).

Sa panayam kay House Deputy Majority Leader Bernadette Herrera-Dy, sinabi nito na mahalagang madagdagan ang alokasyon sa polio vaccination upang ma-accomodate ang mga batang limang taong gulang pataas.

Sa ngayon kasi aniya, pawang mga batang limang taon pababa lamang ang nabibigyan ng bakuna kontra polio alinsunod sa nakasaad sa Republic Act 10152 o ang Mandatory Infants and Children Health Immunization Act of 2011.

Sa bersyon ng GAB na inaprubahan ng Kamara noong Setyembre 20, dinagdagan ng P250 million ang alokasyon para sa polio vaccination sa susunod na taon, na kinuha mula sa Quick Response Fund ng Department of Health (DOH).

Una rito, humingi ang DOH ng karagdagang P800 million para sa pagbabakuna ng polio matapos na manumbalik ang naturang sakit sa Pilipinas noong nakaraang buwan.