Daan-daang pamilya sa La Union ang maagang lumikas nitong Miyerkules, Agosto 5, bilang paghahanda sa inaasahang epekto ng Tropical Storm Maymay, habang nagbabala ang mga awtoridad sa posibleng storm surge, pagbaha at pagguho ng lupa.
Maaga pa lamang ay inilikas na ang mga residenteng nakatira sa mga baybaying lugar patungo sa mga evacuation center, kahit hindi pa nagsisimula ang malakas na pag-ulan.
Sa kabila ng maaliwalas na panahon kaninang umaga, kapansin-pansin na ang malalaking alon at maalong karagatan sa baybayin.
Bilang pag-iingat, inilipat ng maraming residente sa mas mataas na lugar ang kanilang mga gamit gayundin ang kanilang mga bangkang pangisda.
Bandang alas-9 ng umaga kanina, nagsimula nang dumating ang mga evacuee sa iba’t ibang evacuation center, kabilang ang Catbangen Central School sa San Fernando City.
Ayon sa pamahalaang panlalawigan ng La Union, nakataas na ang red alert status at nakahanda na ang mga rescue team, sasakyan, kagamitan, at relief supplies upang agad na makapagbigay ng tulong sa mga maaapektuhan.
Sinabi ni Provincial Information Officer John Martin na mas pinaigting na ng lalawigan ang kanilang paghahanda at pagbabantay habang inaasahan ang pagdaan ng Bagyong Maymay, na inaasahang mararamdaman ang epekto sa La Union ngayong Miyerkules.













