-- Advertisements --

Humihingi ng kabuuang 10 bilyong pisong panukalang pondo para sa taong 2027 ang National Electrification Administration (NEA), kung saan ang 3 bilyon dito ay ilalaan para sa line enhancement at ang 7 bilyon ay para sa karagdagang pondo sa loan equity fund ng ahensya.

Bilang paglilinaw ni National Electrification Administration (NEA) Administrator Antonio Mariano Almeda sa naging katanungan ni Senator Erwin Tulfo ukol sa paglalaanan ng 7 bilyong piso, sinabi ni Almeda na ang pondong ito ay ipapautang sa mga electric cooperatives (ECs) bilang panggastos sa mga kinakailangang kagamitan nito.

Pangunahing layunin ng hakbang na maalis sa buwanang kuryente ng mga konsyumer ang nawawalang kuryente o “system loss” na dulot ng pagnanakaw, nang sa gayon ay bumaba na ang gastusin na matagal ng reklamo ng mga ito.

Dahil dito, malaki ang inaasahang magagamit na pera ng mga kooperatiba para sa metering requirements, kaya kailangang masukat nang maayos ang pondong kakailanganin upang maiayos o mapalitan ang mga lumang metro.

Bilang bahagi ng mahigpit na aksyon dito, lahat ng walang metro o may nakaw na koneksyon ay puputulan, habang aayusin at lalagyan ng bagong metro ang lahat ng konsumer kabilang na ang mga nahuling nakajumper.

Upang masigurong epektibo ito, nahahati sa apat na phase ang programa, sa Phase 1 ay magbabawas ng 25 % non-technical loss na nagkakahalaga ng 4 bilyong piso sa capital expenditure habang sa Phase 2 naman ay magbabawas ng nasa 50% na may 1 bilyong piso.

Samanatala, sa Phase 3 ay aabot ng 75 % na tinatayang aabot sa 1 bilyon at sa huling Phase ay ang 100 % o total elimination na nagkakahalaga naman ng 1.5 bilyong piso.

Matatandaang nitong Setyembre 14 ay inalis na rin ng BIR ang 12% Value-Added Tax (VAT) sa allowable system loss charge sa ilalim ng Revenue Memorandum Circular No. 97-2026.