-- Advertisements --

Tiniyak ng Department of Agriculture (DA) na hindi sobrang maaapektuhan ang mga retailers ng bigas matapos na mailunsad ang pilot testing ng pagbebenta ng P20 rice sa vulnerable sector sa pamamagitan ng mga Kadiwa Stores na siyang inumpisahan sa Cebu.

Ani Assistant Secretary for Special Concerns and for Official Development Assistance and DA Spokesperson Engr. Arnel De Mesa, may mga natatanggap ng reports ang kanilang departamento na bumababa na ang bentahan ng mga bigas sa ilang mga pamilihan matapos na mailunsad ang programa sa National Capital Region (NCR) matapos ang eleksyon.

Ito aniya ay isa lamang senyales na mayroon pang kayang ibababa ang mga presyo lalo na kung sa kabila nito ay nananatiling profitable ang kanilang mga benta.

Pagtitiyak rin ni De Mesa, palaging bukas para sa talakayan at konsultasyon si Agriculture Sec. Francisco Tiu Laurel Jr. para mapakinggan ang mga hinaing ng mga retailers para sa mga maaaring susunod na hakbang.

Paalala naman ni National Food Authority (NFA) Administrator Dr. Larry Lacson, tanging 4%-5% lamang ang sakop ng NFA sa kabuuang produksyon ng bigas sa bansa.

Kaya naman giit pa ni Lacson, kahit pa lahat ng kanilang buffer stock ay kanilang i-unload sa buong bansa ay hindi magiging malaki o atindi ang epekto nito sa mga nagbebenta sa merkado dahil gaya sa ngayon, hindi pa ito availble sa lahat ng pilipino at piling sektor pa lamang ang pinagsisislbihan ng programa.

Samantala, nakatakda namang ilunsad ang programang ito maging sa ilang mga bahagi ng Mindanao na siyang mabibili rin sa mga Kadiwa stalls sa rehiyon.