-- Advertisements --

Kumpiyansa ang Department of Agriculture na mahihikayat pa lalo ang mga magsasaka sa bansa na patuloy na magtanim sa sandaling maipatupad na ang floor price sa palay.

Ayon kay DA Spokesperson Assistant Secretary Arnel de Mesa, makakatiyak ang mga magsasaka na sa tamang presyo mabibili ang kanilang mga inaning palay.

Sasaklawin ng pinag-aaralang floor price sa palay ang mga trader ng palay hindi lang ang National Food Authority.

Nagsasagawa rin ang ahensya ng pag-aaral hinggil sa mga legal na pamamaraan sa ilalim ng Price Act, Anti-Agricultural Economic Sabotage Law at iba pang batas.

Layon ng hakbang na ito na matiyak na mabibigyan ng sapat na proteksyon ang mga magsasaka laban sa mga trader na nananamantala sa kanila.

Batay sa datos ng ahensya aabot sa 32 na lugar sa Luzon at Mindanao ang may mababang buying price ng mga trader sa palay kung saan ay sumadsad pa ito sa ₱15 per kilo.