-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Pinulong ni Department of Agriculture (DA) Secretary William Dar ang hog growers sa bahagi ng Bukidnon na pinakamalaking supplier ng karneng baboy sa Northern Mindanao.

Kasunod na rin ito ng pagkapasok ng African Swine Fever (ASF) sa dalawang bayan ng Misamis Oriental at ilang barangay ng Cagayan de Oro simula pa noong nakaraang linggo.

Sa ipinaabot na impormasyon ni DA Region 10 Spokesperson Angie Cabig, partikular na hinarap ng kalihim ang hog growers ng San Miguel Foods Incorporated na siya ring nagpapatakbo ng Monterey piggery facilities sa Bukidnon na nakatakdang magpapatupad ng pagbabago dahil sa epekto ng ASF epektibo Marso 31, 2021.

Inihayag ni Cabig na pagkatapos ng pakikipagpulong sa hog raisers sa Bukidnon at ilang turn-over ng government agriculture facilities ay tutungo na ito sa Cagayan de Oro City at Misamis Oriental.

Samantala, kinompirma naman ni Misamis Oriental Provincial Veterinary Office chief Dr Benjie Resma na makikipagkita si Dar sa ilang elected provincial officials at grupo ng Northern Mindanao Hog Raisers Association sa isang hotel.

Sinabi nito sa Bombo Radyo na pangunahing paksa ng pagtitipon ay mga hakbang na ginawa ng probinsiya kung paano mapigilan ang paglala ng ASF invasion sa rehiyon.

Una nang kinumpirma ni Resma na nasa mahigit 400 baboy na ang isinailalim sa culling o pagpatay ng mga baboy sa bayan ng Manticao at Initao ng lalawigan.

Samantalang nasa higit 300 rin ang napaulat na mga baboy ang nailibing mula naman sa dalawang barangay ng Cagayan de Oro City dahilan na makipagkita si Dar sa elected officials bukas ng tanghali.