Pinalawig ng Department of Agriculture (DA) hanggang katapusan ng Hunyo ang deadline para sa pagproseso ng fish and seafood import permits, upang bigyang-daan ang mga importer na makasunod sa bagong patakaran na layong tugunan ang food inflation at patatagin ang suplay para sa mga industriya gaya ng turismo at hospitality.
Ang hakbang ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na gawing mas sistematiko ang fish importation upang makalikha ng trabaho at makaakit ng pamumuhunan.
Batay sa ahensya sa kabuuang 25,000 metriko tonelada ng seafood na pinahintulutang iangkat para sa food service sector, 25% pa lamang ang naipapasok.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., kulang sa panahon ang mga dating deadline at wala sa season ang ilang produkto mula sa pinanggagalingang bansa.
Kabilang sa mga pinapahintulutang angkatin ay mga produktong kulang sa lokal na merkado tulad ng salmon, cod, tuna by-products, squid, scallops, octopus, at lobster. Ang sardinas lamang ang local species na aprubadong iangkat upang maibsan ang inflation tuwing off-season.
Nabatid din na tanging mga importer na may akreditasyon sa ilalim ng Fisheries Administrative Order (FAO) 195 o rehistrado sa FAO 259 ang maaaring humiling ng Certificate of Necessity to Import (CNI).
Inaasahan ng DA na sa bagong palugit ay magagamit nang buo ang inaprubahang import volume.
Samantala, nagsimula na rin ang annual closed fishing season sa Davao Gulf mula Hunyo 3 hanggang Agosto, ayon sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).