Ipinatupad ng Department of Agriculture (DA) ang pansamantalang pagbabawal sa pag-angkat ng live animals at ilang animal products mula sa Greece matapos makumpirma ang mga kaso ng foot-and-mouth disease (FMD) sa mga alagang tupa sa Lesvos noong nakaraang buwan.
Sa ilalim ng Department Circular 20, sinuspinde rin ng DA ang paglalabas ng sanitary at phytosanitary import clearances para sa mga apektadong produkto at iniutos ang mas mahigpit na inspeksyon sa lahat ng pantalan sa bansa.
Kabilang sa mga produktong sakop ng ban ang skeletal muscle meat, live swine, bovines, at untreated milk. Gayunpaman, pinapayagan pa rin ang pagpasok ng ilang processed goods na itinuturing na “safe commodities” batay sa international standards, basta’t susunod sa mahigpit na kondisyon.
Maaari ring pahintulutang makapasok sa bansa ang mga shipment na naipadala bago pa man maging epektibo ang circular, kung ang mga ito ay na-produce o nakatay bago ang Pebrero 28 at sumusunod sa umiiral na guidelines.
Ang mga shipment na hindi susunod sa patakaran ay kukumpiskahin o sasailalim sa kaukulang aksyon ayon sa batas.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., mahalagang hakbang ang naturang circular upang maprotektahan ang bansa laban sa posibleng epekto ng sakit.
“This circular is a critical and proactive step to shield our country from the potentially devastating effects of foot-and-mouth disease,” ani Laurel.
















