-- Advertisements --

Nanindigan si Sen. Panfilo Lacson na ‘non-negotiable’ para sa minority ang posibleng pagkakahalal kay Senator Sherwin Gatchalian bilang susunod na Senate President.

Ito ay kung makikipag-ugnayan man ang minority bloc sa majority para sa anumang negosasyon.

Ginawa ng senador ang pahayag kasunod ng muling paglutang ng panibagong pagbabago sa liderato ng Senado, ilang araw lamang matapos mapasakamay kay Sen. Alan Peter Cayetano ang Senate presidency.

Ayon kay Lacson, sa pananaw ng kasalukuyang minority bloc ay si Sen. Gatchalian ang pinaka-acceptable, hindi lamang sa panig ng minority group na binubuo ng 11 miyembro, kundi sa ilang senador sa mayorya.

Kung sakali man aniya na may lilipat na senador mula sa manipis na bilang ng majority, tiyak na pabor din ang mga ito kay Gatchalian na magiging lider ng mataas na kapulungan.

Pagbabahagi pa ni Lacson, ang palaging highlight ng usapan ng minority ang pagbago at pagpapabangon muli sa dignidad at integridad ng Senado, kasunod ng naganap na kaguluhan kamakailan at ang naging epekto nito sa publiko.

Dapat aniyang isa ito sa mga pangunahing tututukan ng susunod na liderato ng Senado, kung sakali mang magkaroon muli ng kudeta o palitan ng lider. (report by Bombo Jai)