-- Advertisements --

Inihahanda na ng Department of Agriculture ang mechanization plan nito para sa 2023-2028.

Ito ay matapos na ilabas ng ahensiya ang isang isang department order na siyang bubuo sa National Agricultural and Fishery Mechanization Program (NAFMP) sa kabuuan ng nasabing panahon.

Sa ilalim ng Agricultural and Fisheries Mechanization Law, kailangang bumuo ng DA ng National Agricultural and Fishery Mechanization Program sa kada anim na taon.

Kabilang sa mga isinasa-alang alang sa pagbuo ng nasabing programa ay ang mga sumusunod: local manufacture ng mga makinarya, research development and extension, standard and regulation, support services, at maging ang human resource.

Bahagi rin ng mithiin sa ilalim ng nasabing programa ay ang matiyak na magkaroon ng isang pangunahing local agriculture machinery producer sa bansa na siyang magsusuply ng mga kailangang makinarya para sa mechanization program ng pamahalaan.

Sa ilalim din ng program, bibigyan ng pagkakataon ang mga local researcher na bumuo ng kanilang mga sariling proyekto, sa pamamagitan na rin ng tulong ng pamahalaan.

Inaasahan namang bago matatapos ang taong ito ay ilalabas na ng DA ang nabuo nitong plano, na siyang magagamit ng ahensiya sa mechanization program nito, para sa kabuuang administrasyon ni Pang. Marcos.