-- Advertisements --

Hindi bababa sa 11 pamilya ang naapektuhan matapos sumiklab ang sunog sa isang residential area sa Barangay Bagumbayan, Taguig City noong Miyerkules ng gabi.

Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), umabot sa third alarm ang sunog at tinatayang nasa P2.5 million ang pinsala sa mga ari-arian.

“Masikip ang daanan, nahirapan din tayo sa suplay ng tubig,” pahayag ni Taguig City Fire chief Superintendent Garynel Julian, na binigyang-diin ang naging hamon sa pagresponde ng mga bumbero.

Idineklara namang fire out ang insidente bandang 12:58 a.m. ng Huwebes, ayon sa BFP-National Capital Region.

Patuloy namang nakaantabay ang lokal na pamahalaan ng Taguig upang magbigay ng tulong at pangangailangan sa mga pamilyang naapektuhan ng sunog.