-- Advertisements --

Iginiit ni VP Sara Duterte na hindi makatarungan ang pagkakadawit ng kanyang pamilya sa impeachment proceedings laban sa kanya sa Kamara.

Sinabi ng bise presidente na may karapatan sa pribadong buhay ang kanyang pamilya bilang mga ordinaryong mamamayan.

Ayon kay VP Duterte, hindi umano dapat isinasangkot ang kanyang mga mahal sa buhay dahil hindi naman sila mga opisyal na iniimbestigahan. Binigyang-diin din niya na tulad ng pamilya ng ibang mambabatas, nararapat lamang na igalang ang kanilang privacy.

Sa pagdinig noong Abril 22, kinumpirma ng Anti-Money Laundering Council ang ulat ng umano’y P6.77 bilyong “suspicious” at “covered” transactions na iniuugnay sa kanya at sa asawang si Manases Carpio sa loob ng halos dalawang dekada.

Samantala, sinabi ni Former Senator Antonio Trillanes IV na ilang miyembro ng pamilyang Duterte ay tumanggap umano ng milyun-milyong piso mula sa hinihinalang drug lord, isang alegasyong bahagi ng imbestigasyon.

Dagdag pa ng bise presidente, hindi niya ipinaalam sa kanyang ama ang posibilidad ng panibagong impeachment upang maiwasan ang pag-aalala nito habang nasa kustodiya, at nais niyang mga positibong alaala ang manatili sa isipan nito sa gitna ng kinakaharap na kaso. (report by Bombo Jai)