-- Advertisements --

Kinontra ni Political Science Professor Dennis Coronacion ang pahayag ni Senador Robin Padilla na plano ng ilang pro-Duterte senators na harangin ang pagko-convene ng Senado bilang Impeachment Court, sa oras na maikyat na ang Articles of Impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.

Giit ni Coronacion, labag sa Konstitusyon ang ganitong plano.

Paliwanag ng political analyst, ang mandato ng Senado ay ang agarang mag-convene bilang impeachment court kapag natanggap na ang Articles of Impeachment.

Wala aniyang ibang magagawa ang mataas na kapulungan kung mag-convene dahil ito ay kanilang trabaho, salig sa itinatakda ng Konstitusyon at isa sa kanilang non-legislative powers.

Tiyak aniyang maraming Pilipino ang umaasa na mangyayari at gagawin ito sa ilalim ng kasalukuyang liderato.

Sa kabila nito, naniniwala si Coronacion na hindi lamang kokontrahin ng minority ang pag-constitute ng Senado bilang impeachment court kundi posibleng boboto rin sila laban sa conviction ni VP Sara.

Sa Lunes, May 11, ay inaasahang tatalakayin na sa plenaryo ng Kamara ang consolidated impeachment complaint laban kay VP Sara matapos itong umusad sa mga serye ng hearing sa Justice Committee.