-- Advertisements --

Sa ilalim ng programang “Benteng Bigas Meron na” ng Department of Agriculture (DA), mas mapapadali na ang pagbili ng abot-kayang bigas para sa ating mga mangingisda halagang bente pesos kada kilo.

Ngayong ayaw ay pormal nang inilunsad ang nasabing programa.

Pinangunahan ito nina Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu-Laurel Jr. at Philippine Fisheries Development Authority (PFDA) General Manager Glen Pangapalan sa Navotas Fish Port Complex.

Ito ay isang makabuluhang hakbang upang direktang matulungan ang ating mga mangingisda.

Sa madaling salita, mula sa mga bodega ng National Food Authority (NFA), ang bigas ay direktang ide-deliver at dadalhin sa iba’t ibang fish port sa bansa.

Sa ganitong paraan, hindi na kailangang bumiyahe pa ang mga mangingisda upang makabili ng murang bigas.

Kabilang sa mga benepisyaryo ang ating mga mangingisda, pati na rin ang mga manggagawa na nagtatrabaho sa fish port.

Ang mahalagang requirement lamang ay dapat sila ay nakarehistro sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture. Ito ay upang matiyak na ang tulong ay mapupunta sa mga tunay na nangangailangan.

Katulad ng mga magsasaka na benepisyaryo rin ng mga programa ng DA, ang bawat mangingisda o manggagawa sa fish port ay maaaring makabili ng hanggang 10 kilo ng bigas kada buwan. Ito ay sapat na upang makatulong sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.

Ayon sa datos na inilabas ng Department of Agriculture (DA), tinatayang nasa 2.9 milyong mangingisda ang inaasahang makikinabang at matutulungan ng programang “Benteng Bigas Meron na”. Ito ay isang malaking bilang na nagpapakita ng lawak ng sakop ng programang ito.