Pina-alalahanan ng pamunuan ng Civil Service Commission (CSC) ang publiko na hindi sila nag-eendorso ng anumang review material o review center para sa Career Service Examination (CSE).
Nagbabala si CSC Chairperson Karlo Nograles sa publiko laban sa mga review center, grupo, at pribadong indibidwal na gumagamit ng pangalan, logo, at website ng CSC o nagpapakilala na ineendorso sila ng nasabing Komisyon sa pag-aalok ng online at face-to-face review class para sa CSE Professional at Subprofessional Levels.
Pinayuhan din ni Nograles ang mga examinees na maging maingat sa mga review materials na ibinebenta sa mga bookstore, sa social media channels, at sa mga online selling platforms, na sinasabing mga reproductions ng aktwal na eksaminasyon na dating pinangangasiwaan ng CSC.
Giit ni Nograles sa tuwing nalalapit ang civil service exam, talagang naglalabasan ang mga review centers and reviewers na nag-aalok umano ng tutorials sa murang halaga.
Sa ilalim ng Republic Act No. 9416 o ang Anti-Cheating Law, ang hindi awtorisadong pagmamay-ari ng, at hindi awtorisadong paggamit, pagpaparami at pagpapakalat sa anumang anyo ng mga materyales sa pagsusulit, sa kabuuan o bahagi, ng isang indibidwal, pribado man o empleyado ng gobyerno, grupo o review center, mula sa hindi awtorisadong pinagmulan, ay dapat ituring na isang gawa ng pandaraya. Ang sinumang tao na gumawa ng ipinagbabawal na gawain ay maaaring patawan ng parusang pagkakulong na hindi bababa sa anim (6) na taon at isang (1) araw ngunit hindi hihigit sa labindalawang (12) taon at multang hindi bababa sa limampung libong piso P50,000.00.
Pinaalalahanan ng CSC ang publiko na ang mga paglabag sa naturang mga probisyon ay maaaring iulat sa CSC Contact Center ng Bayan.