-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Hindi mapigilan ng maraming maggagawa sa industriya ng cruise industry ang labis na mangamba sa maaaring kahinatnan ng patuloy na pagdami ng bilang ng mga nadadapuan ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).

Ito ay kasunod ng ilang mga cruise ship tulad ng Diamond Princess at Grand Princess na matinding naapektuhan ng nasabing sakit.

Sa panayam ng Star FM Baguio kay Bombo International Correspondent Ryu Estrella, kitchen steward sa isang cruise line, sinabi nitong dama nila ang epekto ng COVID-19 sa kanilang trabaho.

Mula aniya sa normal na bilang na 6,000 na pasahero ay nasa 3,000 pababa na lang at kung minsan ay halos wala ng laman ang mga cruise kasunod ng takot sa kumakalat na sakit.

“Sobrang laki din ng naging epekto ng coronavirus dahil sobrang baba na ng nagiging kita ng barko. Dati 6,000 passengers namin, ngayon 3,000 pababa na, tapos nagbabawasan na sila ng tauhan. Medyo nangangamba lang din kami na patuloy na bumbaba yung bilang ng passengers namin or mapauwi kami or magkaroon ng cases dito. Nangangamba din kami sa pamilya namin sa Pilipinas,” saad nito.

Sa kabila nito, umaasa pa rin daw silang mga Pinoy na mawala na ang nakakamatay na sakit para makapagpatuloy na sila sa normal na pagtatrabaho.

“Ingatan po natin yung sarili natin. Kelangang kelangan pa tayo ng family natin. Kelangan nating magdasal. Yun lang yung panlaban natin sa sakit na ito. Yung worries natin is gawin nating prayer. Sana matapos na ang lahat ng to, dahil sobrang daming naaabala. Sobrang daming nawawalan ng trabaho dahil sa virus.”