Tiniyak ni Justice Sec. Menardo Guevarra sa United Nations Human Rights Council (UNHRC) na mananagot ang mga pulis na sangkot sa mga drug operation ng pamahalaan na hindi sumunod sa mga protocol ng pamahalaan.
Sa report nito sa UNHRC, sinabi ni Guevarra na naghihintay na raw ang mga kasong kriminal na kahaharapin ng mga pulis na hindi sumunod sa tamang protocol nang magsawa ang mga ito ng operasyon laban sa iligal na droga na ikinamatay ng libo-libong katao.
Aniya, kapag hindi raw maghahain ang PNP ng kaso sa kanilang mga kabaro ay mayroon namang iba pang panel members maliban pa sa Department of Justice (DoJ) na puwedeng magsampa ng kaso.
Dagdag ni Guevarra, makikipag-ugnayan na rin umano ang panel sa pamilya ng mga biktima para magsilbing mga complainants.
Una rito, sinabi ni Guevarra sa ika-46 UNHRC session na ang contingent mula sa DoJ ay na-examine na ang mga available records sa ilang key areas at cities kung saan nanggaling ang mga namatay habang isinasagawa ang illegal drug operations.
Kasama sa areas ang Bulacan, kabilang ang City San Jose del Monte; Cavite, kasama ang Bacoor City at bahagi ng National Capital Region.
Kung maalala Hunyo noong nakaraang taon nang ihayag ni Guevarra sa UNHRC sa isinagawang ika-44 session sa Geneva, Switzerland kaugnany ng pagbuo ng Department of Justice (DoJ) ng inter-agency panel magsasagawa ng review sa 5,600 police anti-drug operations mula noong 2016.