Aminado ang incoming Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) chief na si Dir. Wilkins Villanueva na malaking hamon ang kaniyang haharapin sa pag-upo sa pwesto bilang kapalit ni outgoing Dir. Gen. Aaron Aquino.
Sinabi ni Villanueva sa exclusive interview ng Bombo Radyo na magiging dagdag konsiderasyon sa pagsasagawa ng anti-drug operations ang proteksyon para sa kanilang mga tauhan laban sa COVID-19.
Hindi naman aniya maaaring magsuot ng personal protective equipment (PPE) ang mga operatiba kaya kailangan pa nilang bumalangkas ng mga plano sa pagpapatuloy ng kampanya laban sa paglaganap ng ipinagbabawal na gamot.
Partikular na magiging sagabal sa kanila ang bagay na ito sa mga lugar na may mataas na bilang ng nagpopositibo sa deadly virus.
“Dahil dito sa new normal, magiging iba na ang aksyon ng PDEA. Lalo na yan dito (Metro) Manila at iba pang COVID infested areas,” wika ni Villanueva.