-- Advertisements --

Aabot sa kabuuang halaga na ₱2.1 milyon ng mga  farm machinery and equipment ang inilaan ng Department of Agrarian Reform (DAR)-Zamboanga del Sur  para sa ikauunlad ng agrikultura sa rehiyon.

Ang mga kagamitang ito ay ipinagkaloob sa pitong (7) Agrarian Reform Beneficiaries Organizations (ARBOs) na nagmula sa iba’t ibang bayan sa Zamboanga del Sur, kabilang ang Mahayag, Labangan, Kumalarang, Guipos, Sominot, San Pablo, at Pitogo.

Ito ay pinangasiwaan ng DAR sa ilalim ng kanilang Climate Resilient Farm Productivity Support Project (CRFPSP). 

Ang proyektong ito ay naglalayong tulungan ang mga magsasaka na harapin ang mga hamon ng pagbabago ng klima at mapanatili ang kanilang produktibidad sa sakahan. 

Sa ilalim ng proyektong ito, ang DAR ay nagbibigay ng mga kinakailangang kagamitan at pagsasanay upang mapalakas ang kakayahan ng mga magsasaka na makibagay sa mga pagbabago sa kapaligiran.

Kabilang sa mga naipamahagi ang tatlong corn sheller na may mga dehusker, na makakatulong sa pagproseso ng mais.

Bukod pa rito, ipinamahagi rin ang 12 floating tiller na mudboat type, na mainam para sa pagbubungkal ng lupa sa mga basang lugar. 

At upang mapabilis ang pag-aani, nagkaloob din ang DAR ng walong (8) rice reaper o harvester. Ang mga kagamitang ito ay inaasahang makakatulong sa mga miyembro ng ARBO na mapataas ang kanilang produksyon at bawasan ang kanilang oras at pagod sa pagtatrabaho sa bukid.