Hindi raw irerekomenda, hahadlangan at oobligahin ng Commission on Elections (Comelec) ang mga botanteng boboto sa 2022 national at local elections na magpabakuna ng Coronarivirus disease 2019 (COVID-19) vaccine.
Ito ang pagtitiyak ni Comelec Spokesperson James Jimenez sa gitna na rin ng posibilidad na mataas pa rin ang kaso ng COVID-19 pagdating ng halalan sa Mayo 9 sa susunod na taon.
Sa susunod na taon posible rin umanong mayroon pa ring mga hindi bakunado o ayaw magpabakunang mga botante.
Dagdag ni Jimenez, hindi rin daw nila oobligahin o hihingian ang mga botante ng negatibong resulta ng RT-PCR test para makaboto.
Pero nilinaw ng tagapagsalita ng poll body na obligado ang mga taga Comelec at mga board of elections inspectors (BEIs) na magpa-RT-PCR test.
Kabilang pa rin naman sa paghahanda ng Comelec sa halalan ang pagsunod sa minimum health protocols para hindi magsiksikan sa mga polling precint.
Isang hakbang dito ng Comelec ay ang pagbabawas ng botante sa isang presinto para maiwasang maging super spreader ang halalan.
Kung dati ay 1,000 ang boboto sa mga polling precint, sa susunod na halalan ay gagawin lamang itong 800.
Mahigpit naman umanong ipatutupad ng Comelec ang pagkuha ng body temperature ng mga botante at kaagad kikilos ang komisyon sakaling may mga botanteng makitaan ng sintomas ng nakamamatay na virus.