Nanindigan ang Department of Health (DOH) na mabisa pa rin ang paggamit ng COVID-19 vaccine na gawa ng Chinese company na Sinovac, sa kabila ng mababang efficacy rate nito.
Una nang binatikos ng mga medical groups ang mga health officials ng bansa dahil sa umano’y double standards sa pagrerekomenda ng Sinovac vaccine sa mga medical workers na hindi direktang humahakaw sa mga pasyenteng may COVID-19.
Sa isang public briefing, sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na inaprubahan ng mga eksperto ang paggamit ng COVID-19 vaccine ng Sinovac sa bansa batay sa siyensya at ebidensya.
“Gusto ko lang pong klaruhin sa ating mga kababayan. Hindi po walang kuwentang bakuna itong Sinovac para sabihin natin na kasi hindi puwede sa healthcare workers ibibigay na lang natin sa iba,” wika ni Vergeire.
“Itong parating na bakuna ng Sinovac, kung tingnan po natin sa kabuuan, this can lessen your chances of having severe infection by as much as 75 percent… and it can lessen your chances of being hospitalized and dying. At sa tingin ko ‘yun pa lang po na factor na ‘yun… ay napakalaking tulong na po sa health care workers,” paliwanag ng opisyal.
Una nang sinabi ng Food and Drugs Administration (FDA) na batay sa mga pag-aaral na isinagawa sa Brazil, lumalabas na mayroon lamang 50.4% efficacy rate ang Sinovac vaccine sa mga health workers, kaya hindi raw ito nirerekomendang gamitin sa mga frontline medical workers na humaharap sa mga COVID patients.
Noong Biyernes nang irekomenda ng National Immunization Technical Advisory Group (NITAG) ang paggamit ng Sinovac sa mga health workers, sa kabila ng agam-agam ng FDA.