Umakyat sa 0.70 ang COVID-19 reproduction number sa National Capital Region bago pa man sumapit ang Pasko, ayon sa OCTA Research group.
Sinabi ni Dr. Guido David na ang naturang figure ay naitala noong Disyembre 22, na halos doble ng 0.42 na naitala isang linggo ang nakararaan o noong Disyembre 15.
Kung ikukumpara sa mga datos noong nakaraang taon, ang reproduction number noon ay tumaas din bago sumapit ang Pasko, na sinundan din naman ng pagbaba pagsapit ng holidays, at muling tumaas noon namang unang linggo ng Enero 2021.
“The holiday uptick may explain the increasing reproduction number and positivity rate,” ani David.
Samantala, sinabi niya na ang reproduction number sa NCR base sa testing ay tumaas din sa 0.79.
Anuman aniya ang dahilan nang pagtaas na ito, kailangan na patuloy pa rin aniyang manatiling mapagmatyag at sinusunod ang minimum public health standards.
Noong araw ng Pasko, ang Department of Health (DOH) ay nakapagtala ng 433 na bagong COVID-19 cases sa bansa, na may positivity rate na 1.6 percent.