CAUAYAN CITY – Nadagdagan ng tatlong COVID-19 positive patient ang ginagamot ngayon sa Cagayan Valley Medical Center (CVMC).
Dahil dito umabot na nang 18 confirmed COVID-19 positive ang ginagamot ngayon sa CVMC
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Dr. Glenn Matthew Baggo, Medical Center chief ng CVMC na dalawang positibo sa COVID-19 ay mula sa Baggao, Cagayan habang ang isa pang pasyente ay mula sa Lulutan, City of Ilagan.
Ang 18 pasyente na ginagamot ay 6 ang galing sa Cagayan, 11 sa Isabela at isa sa Kalinga .
Mayroon namang 10 suspect cases ang ginagamot sa CVMC na ang 5 ay mula sa Tuguegarao City, 2 ang mula sa Baggao Cagayan at 2 ang mula Isabela.
Ang pasyente na mula sa Lulutan, City of Ilagan ay galing sa Manila at nakasakayan sa bus ng isa pang taga-lungsod ng Ilagan na naunang nagpositibo sa COVID-19
Ang dalawa namang pasyente na mula Baggao, Cagayan ay nagtatrabaho sa Quezon City at Maynila.
Pawang asymptomatic at nasa mild condition ang mga ginagamot na COVID positive patient sa CVMC.
Sinabi pa ni Dr. Baggao na maaaring madagdagan pa ang bilang ng mga pasyente na ginagamot ngayon sa CVMC dahil mayroon nang tumawag na mga Rural Health Units ng mga LGUs na nagpapasundo ng kanilang mga pasyente.
Samantala, umakyat na sa 108 ang COVID positive sa Region 2 matapos madagdagan ng siyam na panibagong kaso ngayong araw.
Ang limang panibagong COVID positive ay mula sa Isabela, ang tatlo ay mula sa Cagayan habang ang isa ay mula sa Tuguegarao City.