Inaprubahan ng House Committee on Agriculture and Food na pinamumunuan ni Quezon Rep. Wilfrido Enverga ang House Bill 608 na layong paigtingin ang rural entrepreneurship, pataasin ang kita ng mga magsasaka, at palakasin ang katatagan ng mga komunidad sa agrikultura.
Layon ng panukala ang pagtatatag ng multi-purpose farmer competition hubs upang isulong ang kooperasyon at malusog na kompetisyon sa pagitan ng mga grupo ng magsasaka, bilang tugon sa mga hamong tulad ng mataas na gastos sa produksyon, mababang farmgate prices, at pag-asa sa mga middlemen.
Ayon kay Rep. Antonino Roman III ang may akda ng House Bill 608, itinataguyod ng panukala ang konseptong “coopetition” pagtutulungan ng magkalabang grupo ng magsasaka sa pamamagitan ng clustered organizations at pagtatayo ng coopetition hubs.
Gagamitin nang sama-sama sa mga hub ang mga kagamitan at pasilidad post-harvest tulad ng drying, milling, at storage. Palalakasin din nito ang kakayahan ng mga magsasaka na direktang maibenta ang kanilang produkto upang mabawasan ang pag-asa sa middlemen.
Hango ang panukala sa best practices ng Thailand at Korea kung saan kontrolado ng mga magsasaka ang pagtatanim, pagproseso, at pagbebenta ng kanilang ani, at nakapagsama-sama sila sa malalaking kooperatiba na hindi umaasa sa mga middleman at traders.










