Lumagpas na sa dalawang milyon ang bilang ng mga namatay sa buong mundo dahil sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Kabuuang 2,015,999 na katao na sa ngayon ang nasawi dahil sa nakamamatay na virus.
Mahigit 94,243,275 naman ang total cases worldwide simula nang magkaroon ng pandemic noong nakaraang taon at 67,294,918 recoveries.
Naitala ang pinakamaraming covid deaths sa Europe na umabot na sa mahigit 650,560.
Sunod dito ang Latin America at Caribbean na mayroong 542,410 deaths habang sa United States at Canada ay may 407,090.
Ang mayroong pinakamaraming death tolls ay ang United States (389,581), Brazil (207,095), India (151,918), Mexico (137,916), Britain (87,295) at Italy (81,325).
Samantala, dito naman sa Pilipinas muling sumirit sa 2,048 ang bilang ng mga bagong tinamaan ng COVID-19 sa Pilipinas kahapon.
Ayon sa Department of Health (DOH), umakyat na sa 496,646 ang total ng confirmed cases sa bansa. Hindi pa raw kasali sa ulat ang report ng isang laboratoryo na bigong makapag-submit ng datos.
Ang lalawigan ng Bulacan naman ang nangunguna ngayon sa listahan ng mga lugar na may pinakamataas na kaso ng COVID-19 na umabot sa 98.
Sumunod ang Davao City (89), Pangasinan (84), Maynila (80), at Leyte (73).
Nasa 27,033 pa ang mga nagpapagaling na pasyente o active cases.
Nadagdagan pa ng 551 ang total recoveries na umaabot na ngayon ng 459,737.
Habang 137 ang bilang ng bagong death cases, kaya umakyat pa ang total sa 9,876.