NAGA CITY – Nagpatupad na ng lockdown ang lokal na pamahalaan ng Naga City sa mga residente ng Milaor, Camarines Sur, kung saan pinaniniwalaang pinagmulan ng positive Coronavirus Disease o COVID-19 patient sa Bicol Medical Center.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Naga City Mayor Nelson Legacion, sinabi nitong ipinag-utos na niya ang lockdown sa mga residente ng Milaor para sa kaligtasan ng mga taga-Naga.

Mahigpit na ring ipinagbabawal ng alkalde ang paglabas ng mga residente sa kani-kanilang kung saan nagbabala ito na aarestuhin at puwedeng magmulta ang mga taong hindi susunod sa kautusan.

Inatasan na rin aniya ang mga barangay na mas pahihigpitin pa ang checkpoint operations sa iba’t ibang lugar at border ng Naga.

Samantala, aminado ang Municipal Admnistrator ng Milaor na nahihirapan silang simulan ang contact tracing sa PH763 dahil wala raw silang natatanggap na pormal na impormasyon mula sa Department of Health kaugnay ng identity ng naturang indibidwal.