-- Advertisements --

Mariing kinondena ni Bulacan 6th District Rep. Salvador Pleyto ang paguugnay sa kaniya sa government contractors na sina Curlee at Sara Discaya may kinalaman sa flood control projects.

Ito ay matapos sabihin ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla kahapon na isa umano ang mambabatas mula sa tatlong kongresista na itinuturing na person of interest sa imbestigasyon sa maanomaliyang flood control projects.

Sinabi din ng Ombudsman na na-flag ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang mga bank transaction na nagpapakitang nakatanggap umano si Cong. Pleyto ng pera mula sa mga Discaya bago siya mahalal bilang kongresista.

Sa isang statement ngayong Biyernes, Oktubre 24, sinabi ni Rep. Pleyto na handa siyang makipag-tulungan sa AMLC para malinis ang kaniyang pangalan mula sa mga alegasyon laban sa kaniya at tiyaking maibunyag ang katotohanan.

Una rito, napaulat na nagsilbi ang Bulacan lawmaker bilang presidente at CEO ng S.A Pleyto Constructon Corp. bago pa man at pagkatapos niyang pumasok sa Kongreso, kung saan nakakuha na ang kaniyang kompaniya ng mga kontrata sa gobyerno para magtayo ng mga infrastructure projects kabilang ang mga kalsada at flood control structures sa Bulacan.

Umapela naman si Pleyto sa publiko na iwasan ang pagpapakalat ng hindi beripikadong impormasyon o magbigay ng konklusyon na makakasira sa kaniyang reputasyon pareho bilang isang pribadong indibidwal at public servant.