CAUAYAN CITY-Iginagalang ng City Health Office ( CHO) ang naging pahayag ng Department of Health (DOH) region 2 na kabilang ang Santiago City sa mga binabantayang may kaso ng community transmission.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Genaro Manalo, City Health Officer, sinabi niya na maaaring naitala ang community transmission sa Lunsod dahil sa dami ng mga naitatalang kaso ng COVID 19 bawat araw.
Sa kabila nito naniniwala pa rin ang CHO na interconnected ang mga naitatalang kaso ng virus sa Lunsod.
Binigyang diin ng City Health Officer na masinsinang inaalam ng CESU ang lahat ng mga nakakasalamuha ng mga nagpopositibong pasyente.
Ang dahilan naman ng pagdami ng nagpopositibo sa COVID-19 Santiago City ay ang ginawang mass testing na isang preventive measures ng tanggapan para matukoy ang mga posibleng carrier ng virus.
Hinihinala namang nakuha ng mga nagpositibong vendors ang Virus sa mga biyahero na labas pasok sa palengke ng Santiago City.
Nakatakda na ring isailalim sa mass testing ang mga vendors sa old public market oras na matapos ang testing sa new public market.
Sa kabuuan nasa 479 market vendors mula sa New Public Market ang sumailalim sa SWAB test.
Mula sa naturang bilang 132 ang mula sa 1st batch, 171 ang 2nd batch habang 176 katao ang kinunan ng swab test sa 3rd batch ang patuloy pa ring hinihintay ang resulta.















