KALIBO, Aklan – Nilinaw ng lokal na pamahalaan ng Malay na wala pa silang naitalang community transmission ng mga bagong variants ng coronavirus disease (Covid-19) sa isla ng Boracay.
Ito ay sa harap ng mga espekulasyon na nakapasok na ang mas nakakahawang variant ng sakit dahil sa biglang pagsirit ng kaso sa isla.
Ayon kay Malay Mayor Frolibar Bautista ipinadala na nila sa Maynila ang sample ng dalawang nagpositibong close contact upang isailalim sa genome sequencing.
Naging mabilis aniya ang kanilang isinagawang contact tracing at na-identify agad ang close contact gayundin ang pagsasagawa ng reverse transcription polymerase chain reaction (RT-PCR) test sa mga ito.
Kasabay nito, pinawi ni Mayor Bautista ang pangamba ng mga turista dahil kontrolado na aniya ang sitwasyon.
Nabatid na isang guest na taga-Maynila na positibo pala sa COVID-19 ang naki-party sa isang bar sa isla at nahawaan ang karamihan sa kanyang nakasalamuha.
Nakabalik na ito sa Metro Manila nang malamang infected ito ng virus.