Pinawi ng Commission on Elections (Comelec) ang pangamba ng publiko partikular na ang mga botante hinggil sa posibilidad na magkaroon ng dayaan pagdating sa resulta ng national at local elections ngayong araw, Mayo 9, 2022.
Sa press briefing na isinagawa ng National Board of Canvassers for the 2022 National and Local Elections ay binigyang-diin ni Comelec Commissioner George Garcia na nananatiling kontrolado ng komisyon ang nagaganap na halalan ngayon.
Ito ay sa kabila ng mga ulat na nakakaranas ng ilang glitches o pagpalya ang mga vote counting machines (VCMs) sa ilang mga polling precinct sa iba’t-ibang panig ng bansa.
Ayon kay Garcia, walang dapat na ikabahala ang publiko dahil ang naturang mga problemang naranasan sa ilang presinto ay pawang mga “minor glitches” lamang at lahat ng ito ay inasahan na raw ng komisyon na kasalukuyan na rin nilang ginagawan ng aksyon.
Bukod dito ay muling ipinaalala ng commissioner na kinakailangang ang botante mismo ang maghuhulog ng kanyang balota sa vote counting machines (VCMs) pagkatapos nilang bumoto.
Samantala, sakali namang magkaroon ng mga pagkakataon na magkaproblema ang mga VCM ay nilinaw ni Garcia na lahat ay makakaboto pa rin.
Ipagpapatuloy pa rin kasi ang botohan ng mga botanteng nakapila ngunit hindi na ito makatatanggap pa ng resibo ng kanilang pagboto.
Paliwanag ng opisyal, iipunin ng mga electoral board members ang lahat ng mga balotang tapos nang punan ng mga botante atsaka ito isasailalim sa “mass feeding” sa harap ng mga political parties, representatives, citizen’s arm, at poll watchers sa oras na maayos na ang pumalyang VCM.
Sa kabilang banda naman ay tiniyak naman ni Comelec Commissioner Marlon Casquejo na kung sakaling masira ang mga VCM sa mga polling precinct ay magiging mabilis na ang pagpapalit dito dahil sa ngayon ay mayroon na aniyang 1,900 na mga makina ang ipinadala na sa mga lalawigan bilang pamalit sa mga nasirang VCM.