Bilang bahagi ng kilos-protesta bago ang ika-apat na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sinunog ng mga miyembro ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) Southern Tagalog ang dalawang effigy na tinawag nilang “ZomBBM” at “Sara-nanggal” ngayong Lunes.
Ayon sa grupo, sumisimbolo umano ito ng mga effigy sa “mga halimaw ng lipunan” na nagpapahirap sa taumbayan.
Ang “ZomBBM”, salitang hango sa “zombie” at “BBM” (Bongbong Marcos), ay inilalarawan si Marcos bilang sunud-sunuran sa Estados Unidos, partikular kay U.S. President Donald Trump, na inilagay sa likod ng effigy.
Samantala, ang “Sara-nanggal”, na hango sa pangalan ni Vice President Sara Duterte at sa nilalang na “manananggal”, ay may hiwalay na pang-itaas at pang-ibabang katawan, kung saan lumilitaw ang malaking halaga ng pera mula sa ibabang bahagi.
Matatandaang na-impeach si Duterte ng Kamara noong Pebrero 5 dahil umano sa mga kwestyunableng paggastos ng pondo sa Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd).
Bagamat ibinasura ng Senado ang kaso sa pamamagitan ng pagbabalik nito sa Kamara, idineklarang labag sa Konstitusyon ng Korte Suprema ang impeachment process ni VP Duterte. Gayunpaman, nilinaw ni SC spokesperson Camille Ting na hindi nito nililinis si Duterte sa mga paratang ng katiwalian.