-- Advertisements --

Kumitil na ng 30 katao ang mga nagdaang magkakasunod na bagyong Crising, Dante, Emong at hanging habagat na nanalasa sa bansa.

Ayon kay OCD officer-in-charge Assistant Secretary Bernardo Rafaelito Alejandro IV, sa naturang bilang siyam na ang na-validate na nasawi mula sa National Capital Region (NCR) at 2 sa Region III. Karamihan aniya sa mga nasawi ay dahil sa pagkalunod o nakuryente.

Base naman sa datos ng NDRRMC, may tig-3 ang binawian ng buhay sa Western Visayas, Negros Island Region at Northern Mindanao.

Sa kasamaang palad din, may tig-isang nasawi mula sa MIMAROPA, Davao, Central Luzon at Caraga regions. Ilan sa casualties ay matindi ang sinapit kung saan isa sa mga nasawi ay nakuryente sa Bulacan at dalawa naman ang nabagsakan ng puno sa Camiguin at Surigao del Norte.

Samantala, ayon sa OCD nananatiling nawawala ang nasa pitong indibidwal na naiulat mula sa Western Visayas, Central Luzon, Metro Manila at CALABARZON habang 10 na ang napaulat na sugatan.

Sa datos naman mula sa OCD, 5.2 million katao na ang naapektuhan ng mabibigat na pagulan at pagbaha.

Nagbunsod ito sa pagdedeklara ng state of calamity sa 84 na lugar na sa bansa para mapabilis ang paglalabas ng emergency funds at magpatupad ng price freeze sa mga pangunahing bilihin kabilang na ang bigas.