Nilinaw ng Commission on Elections (Comelec) na wala sila sa posisyon para hilingin na masuspinde ang national at local elections sa 2022.
Iginiit ito ni Comelec Chairman Sheriff Abas matapos sabihin ni Pampanga Rep. Mikey Arroyo na dapat ikonsidera ang pagpapaliban ng halalan sa susunod na taon dahil posibleng sa mga panahon na iyon ay banta pa rin ang COVID-19 pandemic.
Ayon kay Arroyo, kahit anong gawing paghahanda ng COMELEC ay tiyak na marami ang hindi magpaparehistro sa halalan at marami ang hindi boboto sa mismong araw ng eleksyon dahil sa takot na magkasakit ng COVID-19.
Pero sinabi ni Abas na mabigat na usapin ang iminumungkahi ni Arroyo sapagkat constitutional mandate ng Comelec ang tiyakin ang pagdaraos ng halalan.
Ang dalawang sangay ng Kongreso at ang Pangulo aniya ang may call sa usapin na ito sapagkat para ipagpaliban ang halalan ay kailangan munang maipasa ang batas para rito.
Una rito, tinanong ni Arroyo si Abas kung mayroong plan b ang Comelec sa oras na matagalan pa ang pagkakaroon ng bakuna para sa COVID-19 dahil sa susunod na taon ay magsisimula na ang filing ng certificates of candidacy.
Ayon kay Comelec Executive Dir. Bartolome Sinocruz, kinukonsidera nila ang lahat ng aspeto matiyak lamang ang maayos at ligtas na filing ng certificates of candidacy hanggang sa araw mismo ng halalan.
Para hindi sabay-sabay at magsisikan sa mga polling centers, sinabi ni Sinocruz na balak nilang magpatupad ng scheduling para sa paghahain ng kandidatura.
Target din aniya nilang gawin ito online sapagkat wala naman aniyang prohibition sa mga umiiral na batas patungkol dito.
Sa katunayan, sa mga nakalipas na taon, hindi naman din obligado ang kandidato na personal na maghain ng kanyang certificate of candidacy at puwede namang ipasuyo na lamang ito sa isang kinatawan.
Pagdating naman sa araw ng halalan, sinabi ni Sinocruz na maaring gayahin nila ang sistema na sinusunod sa Overseas Voting kung saan isinasagawa ang botohan ng lagpas sa iisang araw.