Iginiit ng Commission on Elections (COMELEC) na bawal sa mga kontratista ng pamahalaan ang magbigay ng pondo sa mga kandidato, alinsunod yan sa Section 95(c) ng Omnibus Election Code.
Sinabi ni COMELEC Chairman George Erwin Garcia na malinaw na ipinagbabawal ang direktang kontribusyon mula sa mga indibidwal o kompanya na may kontrata sa gobyerno, lalo na kung ito ay para sa public works.
Bagaman, tumangging magkomento si Garcia sa posibleng parusa para sa mga halal na opisyal dahil inaasahan umano niyang may maghahain ng reklamo kaugnay ng isyu, tiniyak niya na mataas ang posibilidad na mag-moto pro prio investigation ang COMELEC katuwang ang Political Finance and Affairs Department (PFAD) sa mga kandidatong nakatanggap ng donasyon mula sa government contractors.
Aniya, mula taong 2022 hanggang sa kasalukuyang taon ay susuriin nila ang mga Statement of Contributions and Expenditures (SOCEs) ng mga tumakbo at nanalong mga kandidato.
Binigyang diin dito ni Garcia ang kahalagahan ng pagsusumite ng SOCE dahil dito mababalikan kung nagkaroon talaga ng paglabag sa paggastos sa panahon ng pangangampanya.
Ang pahayag na ito ng komisyon ay kasunod ng rebelasyong ginawa ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na 20% ng kabuuang Php 545 bilyong pondo para sa flood control projects ay napunta lamang sa 15 kontratista — bagay na tinawag niyang “nakababahala.”
Isa sa mga kontratistang nabanggit, ang Centerways Construction and Development Inc., ang kumpanyang pag-aari ni Lawrence Lubiano, na kinumpirma ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na nagbigay ng kontribusyon sa kanyang 2022 Elections campaign.