Nanawagan ang World Health Organization (WHO) sa mga lider ng bansa at lungsod na magsagawa ng mas estratehikong hakbang para sa kalusugan sa mga urbanong lugar.
Sa pagdiriwang ng World Cities Day, inilunsad ng WHO ang gabay na “Taking a Strategic Approach to Urban Health” upang tugunan ang mga suliraning pangkalusugan sa siyudad.
Mahigit 4.4 bilyong tao ang naninirahan sa mga urbanong lugar, kung saan nagtatagpo ang mga isyu ng kalusugan, kahirapan, kapaligiran, at ekonomiya.
Ayon sa WHO, ang mga informal settlement at slum ang may pinakamalalang kalagayan, kabilang ang kawalan ng maayos na tirahan, sanitasyon, at seguridad sa pagkain.
Binibigyang-diin ng gabay ang pangangailangang magtulungan ang iba’t ibang sektor upang makamit ang mas makatarungan, mas malusog, at mas matatag na mga komunidad.
Kasabay nito, inilunsad din ng WHO ang Urban Health E-learning course upang palakasin ang kakayahan ng mga lider sa larangan ng urban health.















