Humingi ngayon si Commission on Elections (Comelec) Commissioner Marlon Casquejo ng paumanhin sa hindi pagpayag ng mga observers sa pag-imprenta ng balota sa May 9 elections.
Dahil dito, sinabi ni Casqujo na magsasagawa ang poll body ng random ballot inspection para maituwid ang kasalukuyang sitwasyon.
Sa isinagawang hearing ng Senate electoral reforms committee natanong ni Senate President Vicente Sotto III sa Comelec kaungay ng hindi pagpayag ng komisyon sa pagpapapasok ng mga observers sa printing ng balota sa National Printing Office (NPO).
Pero paliwanag naman ni Casquejo, dahil na rin umano sa kasalukuyang sitwasyon dahil sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic kayat hindi na sila nag-imbita ng mga observers sa ballot printing.
Pero gayunpaman, humingi pa rin ng paumanhin ang opisyal dahil hindi raw ito dahilan para hindi sila magpapasok ng mga observers.
Sa ngayon, sinabi ni Casquejo na papayagan na nila ang mga political parties at accredited citizen’s arm para pumili, mag-obserba at magbusisi sa mga balota.
Sinabi naman ni Comelec commissioner George Garcia, isasagawa raw ang random testing of ballots sa Huwebes.
Sa ngayon, nasa 49.7 million ballots na raw ang naimprenta ng NPO o katumbas ito ng 78.7 percent ng mahigit 67.44 million ballots na kailangan sa May polls.
Sa 49 million printed ballots, nasa 31.99 million ang nadeterminang “good ballots.”
Aabot naman sa 5.2 million na naimprentang balota ang depektibo.
Matapos naman ang reverification, 105,350 ballots ang idineklarang defective.Patuloy naman daw ang reverification ng 1.9 million printed ballots.