Inihayag ng Commission on Elections (Comelec) na may 15 kontratista ang nakapagsumite ng donasyon sa ilang kandidato noong 2022 national at local elections kaya naman sila ay kasalukuyan na ring iniimbestigahan na ng komisyon.
Ayon kay COMELEC Chairman George Erwin Garcia, ito ay batay sa inisyal na pagsusuri ng Political Finance and Affairs Department (PFAD) ng COMELEC na siyang nagbeberipika ng Statements of Contributions and Expenses (SOCE) ng mga tumakbong kandidato.
Sinabi ni Garcia na posibleng madagdagan pa ang bilang ng mga kontratistang lumabas sa imbestigasyon dahil sa ngayon ay nakatutok pa lamang ang PFAD sa mga tumakbo para sa national position.
Nilinaw ng komisyon na sa ngayon ay hindi pa tukoy kung sila ba ay kontrata sa gobyerno kaya naman sila ay makikipag-ugnayan sa Department of Public Works and Highways (DPWH) upang alamin ito.
Ipinaalala rin ng poll body na bawal sa ilalim ng Section 95 ng Omnibus Election Code ang pagtanggap ng anumang donasyon mula sa mga kontratistang may kontrata sa pamahalaan. Kung mapatunayang lumabag, maaaring makulong ng isa hanggang anim na taon ang parehong kontratista at kandidato na tumanggap ng kontribusyon.
Naging mas kontrobersyal ang isyu matapos ibunyag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at ilang senador ang umano’y “ghost projects” sa flood control programs ng pamahalaan. Kabilang sa mga kumpanyang nabanggit ang Centerways Construction and Development Inc., na umano’y nagbigay ng P30 milyong donasyon sa kampanya ni Senate President Francis Escudero noong 2022 elections.
Dahil dito, sinabi ni Garcia na maaari pang palalimin ng PFAD ang imbestigasyon upang matukoy kung sinu-sinong kandidato ang tumanggap ng bawal na donasyon mula sa mga kontratista.