Pormal nang lumagda ang Pilipinas sa United Nations Convention against Cybercrime, isang pandaigdigang kasunduan na layuning palakasin ang kooperasyon ng mga bansa sa paglaban sa mga krimen sa digital world at pagpapadali ng cross-border sharing ng electronic evidence.
Isa rin itong makasaysayang kasunduan dahil kinikilala nito sa unang pagkakataon ang non-consensual distribution ng intimate images bilang isang uri ng cybercrime.
Dumalo sa pirmahan si Department of Information and Communications Technology (DICT) Secretary Henry Aguda, na kinatawan ng Pilipinas sa convention na ginanap noong Oktubre 25–26 sa Ha Noi, Vietnam.
Ayon sa DICT, ipinanukala ng Pilipinas ang mas mahigpit na proteksyon para sa mga kabataang gumagamit ng internet, pati na rin ang dagdag na technical assistance para sa mga developing countries. Layunin umano nitong mabalanse ang epektibong pagpapatupad ng batas at ang paggalang sa karapatang pantao sa digital space.
Binigyang-diin sa convention ang iba’t ibang aspeto ng cyber offenses, pagbabahagi ng electronic evidence, at ang pagtatatag ng 24/7 international cooperation mechanism upang mapabilis ang pagtugon sa mga insidente ng cybercrime.
Sa mensahe naman ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.binigyang-diin nito ang determinasyon ng Pilipinas na palakasin ang global cooperation laban sa cyber threats, habang pinangangalagaan ang trust, accountability, at human rights sa panahon ng digital transformation.
Kasabay nito, ipinaalala din ng DICT na patuloy nitong pinatitibay ang cyber resilience ng bansa sa pamamagitan ng mga programa tulad ng Oplan Cyberdome at Oplan Paskong Sigurado, na nakatuon sa proactive cyber defense at pagpapataas ng kamalayan laban sa online scams at cybercrimes.










