Todo ang panawagan ng Commission on Elections (COMELEC) sa mga kandidatong tumatakbo para sa May 9, 2022 elections na huwag politikahin ang pagbibigay ng tulong sa mga lugar na naapektuhan ng Tropical Depression Agaton.
Ayon kay COMELEC Commissioner George Garcia, ang mga kalamidad ay hindi naman maiiwasan talaga kaya ang calamity funds na lamang ng mga local government units (LGUs) ang gagamitin basta ipaalam lamang ito sa kanilang local offices.
Kasunod nito, hinikayat din ni Garcia ang mga incumbent candidates at iba pang kandidato na iwasan ang paglalagay ng campaign materials sa mga ibibigay na relief goods sa mga apektado ng bagyo dahil puwede itong maging “ground” sa disqualification.
Kung maaalala, ang poll body ay kasalukuyang nagpapatupad ng public spending ban mula Marso 25 hanggang May 8, 2022 na bahagi ng paghahanda ng halalan sa Mayo 9.
Sa ilalim ng Resolution No. 10747 ng COMELEC, kailangan ang certificate of exemption sa pagpapatupad ng mga aktibidad at programa at social welfare projects at services sa kalagitnaan ng ban.
Dahil dito, sinabi ni Garcia na maliban sa pag-notify sa mga local poll offices sa paggamit ng calamity fund ay dapat na matukoy din ng mga LGUs ang pangalan at bilang ng mga benepisaryo na mabibigyan ng ayuda.
Kailangan din aniyang ilagay kung saang barangay galing ang mga tatanggap ng ayuda.
Nangako naman ang COMELEC commissioner na papabilisin nila ang pagbibigay ng exemption sa mga apektado ng Bagyong Agaton sa campaign period spending ban.