Hiniling ng Commission on Elections (Comelec) kay Pangulong Rodrigo Duterte na ideklarang special non-working holiday ang mismong araw ng eleksyon na gaganapin sa Mayo 9.
Ito ay upang matiyak na lahat ng mga rehistradong botante sa bansa ay makakalahok sa pambansa at lokal na halalan ngayong taon.
Sinabi ni Comelec Chairman Saidamen Pangarungan na sa ilalim ito ng nilagdaan ng Comelec en banc na Resolution No. 10784 na humihiling sa pangulo na gawin ngang special non-working holiday ang nasabing araw upang magbigay daan sa gaganaping eleksyon.
Sa datos, nasa 65.7 million na mga Pilipino ang rehistradong mga botante sa bansa, habang nasa 1.69 million naman ang mga naitalang overseas Filipino voters ngayong taon.
Habang nasa 84,000 naman ang mga kawani ng gobyerno, pulisya, at media ang pinahintulutan na bumoto ng mas maaga sa Mayo 9 sa pamamagitan ng local absentee voting na nakatakdang magtapos naman ngayong araw.