Ina-activate na ng Coast Guard District Southeastern Mindanao ang kanilang deployable Response Group team kasunod ng tumamang malakas na lindol sa Manay, Davao Oriental ngayong Biyernes, Oktubre 10.
Layunin nito na matiyak ang agarang pagresponde sa mga apektado ng malakas na pagyanig gayundin para tumulong sa pagsasagawa ng damage assessment, at search and rescue operations.
Kaugnay nito inatasan ng Coast Guard District ang lahat ng mga istasyon at sub-stations nito partkular na ang nasa Davao Oriental na makipag-ugnayan sa kanilang Disaster Risk Reduction and Management Councils at tiyaking handa sa posibleng deployment ang kanilang response teams.
Inilagay na rin sa heightened alert status ang lahat ng Coast Guard personnel at assets sa lugar para matiyak ang agarang aksiyon at suporta sa mga lokal na pamahalaan.
Samantala, nag-isyu na rin ang Coast Guard District ng Sea Travel Advisory na nagsususpendi sa biyahe sa dagat ng lahat ng barko at iba pang sasakyang pandagat sa lugar dahil sa banta ng tsunami at antayin ang ilalabas na panibagong abiso kung ligtas na ang pagbiyahe sa dagat.