Nangako si Gilas Pilipinas head coach Tim Cone na aaralin niyang mabuti ang kabuuang performance ng national team kasunod ng tuluyang pagkakatanggal sa FIBA Asia Cup 2025.
Kung babalikan ay dinumina ng Team Australia ang quarterfinals match laban sa Gilas Pilipinas, 84-60 – dahilan upang tuluyang matanggal ang Team Philippines sa naturang turneyo.
Ayon kay Cone, bagaman masyado pang maaga ay siguradong babalikan ng koponan ang lahat ng video at kabuuang performance ng koponan, upang magamit sa mga susunod na laban ng national team.
Nais ng batikang coach na matukoy ang pangunahing rason sa maagang pagsadsad ng Gilas habang hinaharap ang Team Australia, gayong nagawa nitong makapagpakita ng mga clutch performance sa mga nakalipas na elimination games.
Naniniwala naman si Cone na hindi kailangang palitan ang mga miyembro ng pambansang team.
Aniya, walang mangyayari kung basta na lamang magpalit ng mga player habang hindi pinag-aaralan kung paano mapagbuti ang performance ng bansa.
Samantala, muling haharapin ng Gilas ang Australia at New Zealand sa Group A ng World Cup Qualifiers sa huling bahagi ng kasalukuyang taon.