-- Advertisements --

Iimbitahan na sa pagdinig ng Senado si dating Cong. Elizaldy Co at dating House Speaker Martin Romualdez ukol sa umano’y korapsyon sa flood control projects

Ayon kay Senate Blue Ribbon Committee Chairman Senador Ping Lacson, padadalhan nila ng invitation letter sina Co at Romualdez upang sagutin ang mga alegasyong ibinabato laban sa kanila.

Dagdag ng senador, kapag hindi dumalo si Co ay padadalhan na ito ng subpoena. Kapag muli pa ring isnabin ang pagdinig, iisyuhan siya ng show cause order.

Aniya, sa pamamagitan nito ay mababasag ang pananaw ng ilang sektor na ang komite ay may kinikilingan, kinakampihan, o pinoprotektahan na ilang personalidad.

Para kay Romualdez, iginiit ni Lacson na idadaan ang imbitasyon kay House Speaker Faustino Dy III.

Sa ngayon, sinabi ni Lacson na hinihintay pa ng komite ang ilang pagbabago sa kaso bago magtakda ng susunod na pagdinig.

Iginiit naman ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa na hindi sapat ang pagbibitiw ni Co bilang miyembro ng Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Ayon kay Dela Rosa, dapat pa ring maimbestigahan ang dating mambabatas kaugnay ng mga alegasyon laban sa kanya ukol sa umano’y korapsyon sa flood control projects.

Dagdag pa niya, dahil sa pagbibitiw ni Co, hindi na malalabag ang umiiral na inter-parliamentary courtesy.

Samantala, sinabi pa ni Lacson na ang mga pagbabago sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) — kung saan papalitan ni dating Philippine National Police chief Rodolfo Azurin si Mayor Benjamin Magalong ng Baguio City bilang adviser — ay hindi makakaapekto sa mga pagdinig ng Blue Ribbon Committee.

Dagdag niya, bagama’t nanghihinayang siya sa pagbibitiw ni Magalong bilang adviser ng ICI dahil sa laki ng maiaambag nito mula sa kanyang kaalaman sa institusyon, “excited” naman siya na mabigyan ng pagkakataon si Azurin na makapag-ambag din.