-- Advertisements --

Kinumpirma ng Philippine National Police (PNP) na kasalukuyan nang nasa kanilang kustodiya ang isa sa mga mastermind sa naging kidnapping-slay case ng filipino-chinese businessman na si Anson Que at driver nito na si Armanie Pabillo na kinilala bilang si Kelly Tan Lim.

Sa isang pulong balitaan ay isiniwalat ni Police Regional Office III Director at PNP Spokesperson PBGen. Jean Fajardo na nahuli ang suspek sa isang pribadong resort sa Boracay, Aklan kung saab kasama nito ang isa pang chinese national na kinilala naman bilang si Wu Ja Bing na isa namang hair dresser.

Ani Fajardo, naglunsad ng isang manhunt operations nitong Sabado ang kanilang hanay katuwang ang ilang operatiba mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at maging mula sa National Security Council (NSC) para matunton ang kinaroroonan ng mga ito.

Ayon sa kanilang natanggap na intel, magmula ng nagcheck-in ang suspek ay hindi na ito lumabas at ginagamit si Wu Ja Bing bilang tagaproseso ng kanilang pamamalagi sa mga naturang resorts simula nitong Abril 26 hanggang Mayo 1.

Dagdag pa ni Fajardo, natunugan na ni Kelly Tan Lim ang mga presensya ng kapulisan dahil nagtangka pa umanong umalis ang suspek dala ang kaniyang mga magulang at ilang mga menor de edad subalit hindi ito natuloy.

Nagsilbi namang frontman si Wu Ja Bing para sa suspek na siyang humaharap sa mga transaksyon upang hindi mapaghinalaan sa lugar lalo na’t mayroong 10 milyong patong sa ulo ang suspek.

Sa kasalukuyan ay sumailalim na sa mga inquest proceedings si Kelly Tan Lim at ang kasabwat nitong si Wu Ja Bing na nahaharap sa mga kasong kriminal at nananatili rin sa kustodiya ng PNP- Anti Kidnapping Group.

Inaasahan naman ng mga imbestigador na si Kelly Tan Lim na ang makakapagturo kung saan nga ba napunta ang malaking halaga ng ransom money na natanggap ng mga kidnappers ni Anson Que.