Patuloy na nakikipag-ugnayan ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa mga awtoridad sa Japan para sa repatriation ng mga Pilipinong sakay ng cruise ship na MV Diamond Princess na apektado ng COVID-19.
Sinabi ng DFA na kinukompleto pa nila sa ngayon ang mga clearances at permits para sa disembarkation, land transfers at mga arrangements sa chartered flights ng naturang mga Pinoy.
Bukod dito, nakikipagtulungan din ang gobyerno ng Pilipinas sa Japan Self Defense Forces para sa gagawing land transfer ng mga repatriates mula sa Yokohama Port papuntang Haneda kung saan lilipad ang chartered flight pauwi ng Pilipinas.
Samantala, kinukompleto pa rin sa ngayon ng Japanese Ministry of Health, Labor and Welfare ang laboratory testing sa lahat ng mga Pilipinong lulan ng cruise ship alinsunod na rin sa quarantine protocols na ipinapatupad ng Japan.
Kahapon, Pebrero 22, sinabi ng Department of Health na ang repatriation ng mga Pilipino sa cruise ship sa Japan, na dapat isasagawa ngayong araw ng Linggo, ay ipagpapaliban para bigyan nang pagkakataon ang Japanese health authorities na makumpleto ang kanilang laboratory testing sa mahigit 400 na Filipino crew members.