Inutusan ni Philippine National Police (PNP) acting Chief, Police Lieutenant General Jose Melencio Nartatez Jr. ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na maging handa.
Ito ay dahil inaasahan na ang paglalabas ng warrant of arrest ng korte laban sa mga sangkot sa kaso ng mga nawawalang sabungero.
Ang pahayag ng acting PNP Chief ay kasunod ng anunsiyo ng Department of Justice (DOJ) na naisumite na nila ang mga reklamong murder at kidnapping with serious illegal detention laban sa ilang indibidwal na sangkot sa kaso.
Maliban sa CIDG, inihahanda rin ni Nartatez ang mga lokal na pulisya para sa posibleng pagpapatupad ng warrant.
Kung maaalala na noong Setyembre, inanunsiyo ng PNP na naisumite na nila ang karagdagang ebidensya sa reklamong inihahanda laban sa ilang indibidwal, kabilang na ang negosyanteng si Charlie “Atong” Ang.
Binigyang-diin ni Nartatez na handa silang sumunod sa anumang utos ng korte kaya’t nanawagan siya sa publiko na maging kalmado at hayaan ang legal na proseso na umusad.